Testimonial
Yaman
Ako po si Violeta Bautista ng Tanay, Rizal. Nais ko pong ipahayag ang aking karanasan
Noong taong 1980 nang magkasakit ng malubha ang aking asawa. Sa loob ng pitong taong pagkakasakit niya, hiningi ko po sa Panginoon ang kanyang kagalingan, na malugod naman Niyang pinagkaloob sa amin. Kaya nga lang po, dahil sa kasipagan at kagustuhang makatulong sa pamilya, bumalik siya sa napakahirap na trabaho. Kaya po, bumalik rin ang kanyang karamdaman na naging sanhi ng kanyang pagkamatay noong 1987, nang ang aking mga anak ay maliliit pa.
Pinanghinaan na po ako ng loob. Inakala ko pong hindi na makakapag-aral ang aking mga anak dahil mag-isa ko lang tinataguyod ang aming pamilya. Ngunit hindi po niloob ng Diyos na sila ay hindi makapag-aral. May tao pong hinipo ang Diyos upang kami ay tulungan. Salamat po sa Panginoon dahil ang aking mga anak ay nakatapos ng pag-aaral. Ito po ay napakalaking pagkakataon at biyaya sa aming buhay.
Muling dumating ang isang pagsubok sa amin. Ang aking bunsong anak ay nag-asawa ngunit sa tagal ng kanyang kasal, hindi pa po siya binibiyayaan ng anak. Sa awa ng Panginoon at sa aming walang sawang dalangin, binigyan naman ng Diyos ang aking bunsong anak at ang kanyang asawa ng isang anak. Kahit ano po basta magkaroon lang po ng anak ang aking bunsong anak. Subalit, nang maipanganak ang sanggol, hindi pa po husto sa buwan dahil ang aking anak ay na-eclampsia. Akala ko po ay hindi na mabubuhay ang aking bunsong anak at ang aking apo, pero sa awa ng Panginoon, hindi Niya pinabayaan ang dalawa.
Maraming pinagdaanan ang aking apo. May mga oras na sinasabing puntahan na ang bata sa ospital at ito ay nasa kahon na, pero pagdating namin, hindi po niloob ng Panginoon na ang apo ko ay nasa loob ng kahon. Binigyan po siya ng kagalingan at kalakasan. Ang bata na sinasabing napakaliit ay ngayo’y bente tres anyos na at may taas na limang talampakan at pitong pulgada (5 feet and 7 inches). Talaga pong niloob ng Diyos na ipagkaloob sa amin kahit napakaraming pagsubok.
Dumating muli ang pagsubok sa amin noong Pebrero 2017. Ang aking lalaking anak ay na- stroke at na-comatose ng isang buwan at isang linggo sa loob ng ICU. Akala po namin ay hindi na siya mabubuhay dahil wala na siyang malay. Sinabi po ng doktor na kailangan siyang operahan upang maalis ang namuong dugo sa kanyang ulo. Sa totoo lang, ang asawa ng aking anak na lalaki ay sumang-ayon na sa doktor na biyakin ang ulo ng anak ko. Pero kami po, ng aking mga anak, ay nag-usap at hindi namin pinayagan ang operasyon dahil ang sabi ng doktor ay 50-50 lang ang tsansa. Pero purihin po ang Diyos, hindi na-operahan ang aking anak na lalaki at kasalukuyan siyang nagtatrabaho muli. Wala pong naging problema sa kanyang isip at pagsasalita, kundi nagkaroon lang ng problema ang kanyang isang kamay at paa. Sa aking kakadalangin na pagalingin at bigyan pa ng kalakasan ang aking anak, yun po naman ay pinagkaloob sa amin.
Sa totoo lang po, napakaraming pagsubok ang dumating sa aming buhay pero sa awa ng Panginoon ay lahat ng ito ay aming nalampasan. May mga pagkakataon na ako ay nag-iisip kung kaya ko pa, ngunit dinala ako ng aking mga paa sa loob ng simbahan at hindi niloob ng ating mahal na puong San Ildefonso na ako ay makagawa ng hindi maganda. Kaya purihin po ang Diyos. Talaga pong napakabuti Niya basta huwag lang po tayong makakalimot sa Kanya. Lagi po tayong inaalalayan ng Diyos na makapangyarihan sa lahat. Sana po ay maging aral ito sa ibang magulang na huwag pababayaan ang kanilang mga anak dahil sila ang ating yaman. Yun lang po. Maraming salamat po!
Violeta I. Bautista
ParishionerShare us Your Miracle Stories
You can also send your stories to our official email account
[email protected]
together with your details and supporting documents.