Prayers

Nobena Kay San Ildefonso, Bunying Arsobispo Ng Toledo Patron At Tagapagtangkilik Ng Bayan Ng Tanay

Namumuno:
Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.

Bayan:
Amen.

Namumuno:
Nagkakatipon tayo ngayon upang parangalan ang ating Mahal na Patrong
San Ildefonso ng Toledo, isang ulirang Obispo ng Sambayanan ng Diyos.

PAGSISISI
Diyos ko, ako’y nagsisisi nang buong puso dahil sa aking mga kasalanan sa
paggawa ng masama at pagkukulang sa paggawa ng kabutihan. Nagkasala ako
laban sa iyo na dapat kong mahalin nang higit sa lahat. Sa tulong mo, sisikapin
kong magbago at iiwasan ang anumang naghahatid sa akin sa kasalanan.

PANALANGIN SA ARAW-ARAW
O Maluwalhating San Ildefonso, Patron o Pintakasi nitong aming bayan ng
Tanay, yayamang ikaw po’y huwaran sa lahat ng bagay ng tanang
Kristiyano, ikaw na sa kabataan mo pa’y nagtataglay na ng karampatang
paggalang sa iyong mga magulang, ng mahusay na pagsunod sa iyong mga
guro, ng marubdob na pag-ibig sa ating dakilang pananampalataya at ng
lubos na kalinisan ng iyong pamumuhay; ikaw na sa iyong kabagung-tauhan
ay nagpunyaging makailag sa madlang karangyaan, aliw at layaw ng
katawan; ikaw na ministrong tapat na loob at masunuring alagad ng Diyos,
masintahing deboto ng Mahal na Birhen, mahabaging tagapagkupkop ng
mga dukha at mapagkandiling pastor ng mga kaluluwang nahahabilin sa
iyong pamamahalang napakasikap at napakatiyaga: marapatin mo na pong
dinggin ang aming karaingan, at tulungan ng iyong mahalagang karapatan
ang aming mga dalangin sa harap ng Panginoong Diyos, upang sa
pamamagitan ng iyong saklolo at pagtatangkakal ay makamtan namin ang
pagpapaunlak sa minimithi namin sa pagsisiyam na ito na paunlaring lalo at
ipanuto itong aming bayan ng Tanay, at akayin sa lalong ikawawasto ang
pamamahala ng aming mga pinuno ng bayan, gayon din naman ng mga
tagaakay namin sa pananampalatayang Katoliko; at sa wakas ay ang
ikapapanatili naming lahat sa mahal na grasya ng Diyos at ikapagtatamo ng
kaluwalhatiang walang hanggan. Siya nawa.

TANGING PANALANGIN NG PAGNONOBENA KAY SAN ILDEFONSO DE TOLEDO
O maluwalhating San Ildefonso, aming Pintakasi at Tagapamagitan. Itong araw
na ito, kami po ay humihinging inyong pag-aalaga at pagkakandili. Hinihiling
naming yong pag-alabin sa puso ng lahat ng mga magulang ang isang tunay at
banal na pag-ibig sa kanilang mga anak, upang sila ay alagaan nang may banal na
takot sa Diyos, at upang ipagkatiwala ang kanilang mga anak sa mga gurong
Kristiyanong makapagtuturo sa kanila ayon sa mga simulain ng Kristiyanong pag
aaral. Umunlad sana ang mga batang ito sa pagsunod sa iyong halimbawa, at
maging maalab na alagad ng Mahal na Birheng Maria.

Taos pusong hinihiling namin na ipagkaloob mo sa amin, na nag-aalay nitong
pagsisiyam na ito, ang tanging biyaya na hinihiling ng bawat isa sa amin, kung
iyan ay nararapat sa kaligtasan ng aming kaluluwa. Amen.

PANALANGIN SA MAHAL NA BIRHEN
O Birheng Mariang wagas sa kalinisan. O kamahal-mahalang Reyna ng Langit.
Narito po kami sa iyong paanan, taos pusong nagpa-pasalamat sa tanging
pananda ng pagmamahal na idinulot mo kay San Ildefonso sa daigdig na ito,
bilang ganti sa kanyang masigla at maalab na paglilingkod sa iyong dalisay na
pagkabirhen, at pagsisi-kap na mapalaganap ang pamimintuho sa iyo.

Dahil sa kagalakan naming mag-may-ari dito sa aming simbahan ng kanyang
banal na labi, kami po na nagmamakaawa sa kanyang makapangyarihang
pamamagitan, ay ingatan mo nawa, at pagkaloo-ban ng yong maawaing
pagpapala at pagtatanggol. Iligtas mo po kami sa lahat ng mga kalupitan at mga
silo ng demonyo, at pagni-ngasin sa aming puso ang dalisay na pag-ibig.
Tulungan mo po kam-ing tumulad kay San Ildefonso sa kanyang pagmamahal at
debosyon sa iyo, upang kami ay maging marapat na mga anak mo ayon sa
tagubilin ni Jesus. Amen.

Back to Prayers